Ang 'Dayo' at ang Buntis


Dayo yung term namin sa mga 'aswang' tapos 'dyaryo' yung tawag namin ni AM sa 'tiktik'.



Isa ako sa mga skeptic pagdating sa ganitong usapin kasi nga hangga't hindi ko pa nakikita o nararanasan, hindi ako maniniwala.

Matagal ko na sanang gustong i-share ito nung 1st trimester ko kasi, unfortunately, naranasan ko siya dito mismo sa bahay namin sa Cavite.

Gustuhin ko man siyang i-vlog ngayon at ikwento na lang ng diretso, kaso hindi ko kaya humarap sa camera phone ko na talagang inaatake ng anxiety.  Mas nagtitrigger kasi.  Pag sinusulat ko na lang mas nahihimasmasan ako.  Tsaka talking head lang din ang mangyayari, wala masyadong snippets of actual experience since mabilis ang mga pangyayari.

Hindi ko ito sinusulat o shi-ne-share ngayon sa inyo para maniwala kayo.  Gusto ko lang siyang i-share kasi baka mamaya isa ka pala sa mga nakaranas din o kaya, wala lang...trip mo lang magbasa ng mga ganitog klaseng kwento.  At tsaka personal experience ko ito while pregnant.  

---

1st Trimester

Kakaalam pa lang namin na buntis ako nung mga panahong iyon.  Around 8 weeks yata ako non nung nagising na lang ako bigla kasi yumanig yung bintana namin.  Hindi naman mahangin non, sobrang init pa nga.  E yung hinihigaan ko kasi e sa side ng bintana.  Pagkamulat ko ng mata ko nun narinig ko na lang yung malakas na kampas na imposibleng ibon iyon kasi madaling araw (mga 2 AM) at puro maya/tarat yung mga ibon dito (madalang lang yung migratory birds).  E ang liliit ng mga ibon na iyon para maka-produce ng ganoong kalakas na kampas at madaling araw siya. 

Ginising ko agad si AM tapos sobrang nanginginig ako kasi di ako makapaniwala sa narinig ko.

Kinaumagahan, pagpasok ko sa day job ko sa Makati noon, kinuwento ko sa mga kaibigan ko sa opisina yung naranasan ko.  Hindi ko nga ma-open agad kasi nahihiya ako baka ma-weirduhan sila sa akin.  Pero eventually, naikwento ko naman.  

Yung isa tiga-Cavite din at nagkwento din siya nung naranasan niya nung nagbuntis siya.  May nakita naman siyang sobrang malaking kambing na nakakatakot daw yung mata.  Basta di ko na matandaan yung details.  Pero ayun nga sinabihan nga nila ako na magsaboy ng asin sa bubong, sa bintana, mga pintuan etc...  Kinuwento ko din yung nangyari sa ate ko, e naniniwala din sila ng BIL (brother-in-law) ko sa ganon kaya siya nakapag-exhibit dati regarding sa mga panangga sa mga 'dayo.'  Sculptor nga pala kapatid ko.  Artists silang mag-asawa.  Ayun, same advice yung sa asin, bawang, etc.  Tapos binigyan nila kami ng buntot pagi. Yung mga gulok pinaglalagay ko sa ilalim ng kama, tapos may holy water pa kami, the works.  Tapos parati daw magsuot ng itim miski sa may tiyan lang.



Twice nangyari yung pagdalaw sa akin ng dayo, nung wala si AM at nung kasama ko siya.  Pero after nung mga panangga sa kanila na pinaggagagawa namin, nawala din naman yung dayo.

Pero sabi ng mga ka-opisina ko, tuwing 1st and 3rd trimester daw sila dumadalaw kasi doon mabango yung buntis. At aaligid pa rin sila miski naipanganak na si baby, hanggang 6th month daw.

Hindi ko na pinansin iyon.  Tapos itong si AM e madalas sinasabi sa akin nung 1st trimester ko na amoy baby ako...

....at ngayong nasa third trimester na kami ni baby Apollo, doon lang ulit siya nagsasabi sa akin na amoy baby ako.  Siguro iyon yung naamoy ng mga dayo.


Third Trimester

Kaninang madaling araw lang ito nangyari, mga 4AM (4:22 to be exact).  Ilang buwan na rin akong natutulog ng 3AM - 5AM pero kanina, around 2:15AM pa lang, antok na ako kaya itinulog ko na.

Sobrang himbing ng tulog ko.  Nananaginip pa nga ako tapos makulay yung panaginip ko, bigla na lang ako nagising kasi ang lakas lakas nung tatlong katok na tunog 'tik - tik - tik'.  Napadilat ako ng di oras, sakto nakaharap ako sa bintana.  E may bubong kasi sa bintana tapos katapat niya yung kabilang bahay then sa kaliwa e yung bubong ng laundry area.  May nakita akong parang gray-ish na tela na di ko mawari.  As in pikit-dilat ako agad kasi di ko alam kung ano nakikita ko.  Biglang nawala nung third-look ko sabay pinisil-pisil ko sa kamay ni AM (holding hands kasi kami kung matulog), yung tipong ginigising ko siya.  Iyon pala gising na siya non kasi nga may narinig na siya bago ako magising.  Tapos nagngangawa yung pusa namin na si Snickers sa labas ng bahay sa harapan.  Yun kasi yung teritoryo niya.  Binuksan ni AM yung flashlight tapos tinutok nga dun sa may bintana.  Wala naman kaming makita.

Kung yung iba iisipin na tunog ng butiki, pero hindi e.  Nung nagising na ako, after ko may makita sa labas, tumayo ako para buksan yung electric fan, saka ko narinig yung butiki na iba naman yung tunog sa narinig ko (at 5-8 'tik' yung sa butiki kung mamasdan niyo.  Tatlo lang yung narinig namin ni AM).  Hindi muna ako nagkwento kay AM at dumiretso muna ako ng restroom para mag-wiwi.  Pagbalik ko sa kama, saka ko sinabi sa kaniya kung bakit ko siya ginigising.  Tama nga kutob ko.

Nagising na si AM beforehand kasi sobrang naglilikot daw si Apollo sa tiyan ko (e ako naman sobrang tulog talaga), tapos yung una daw niyang narinig e yung malakas na 'tik tik tik'.   Pangalawang instance, mahina yung tunog ng 'dyaryo' sa may bandang bubong sa likod ng water tank namin.  Tapos yung huli, yung lumanding na sa bubong na may scratch na sound.  Ito yung time na kakagising ko lang na hindi ko na iyon napansin kasi nga may nakikita na ako sa labas.  At alam namin yung kalabog ng pusa sa hindi.  May malansang naaamoy nga din pala si AM non.

Ang weird pa non, yung pusa kong si Skittles madalas nakapwesto sa bintana namin.  Kung kailan siya wala, saka may nangyaring ganon.  Mga pusa kasi known to protect against those kind of elements.  Natiyempuhan pa talaga.

Tapos kinuwento ni AM sa akin, nung 12AM (midnight para sa mga nalilito) kanina dumiretso ako papunta sa labas para itapon basura.  Siyempre inako niya yung duty kasi nakaidlip siya non habang nanunuod.  So magkasama kami sa labas, ako yung nagunlock ng gate.  Habang inuunlock ko daw yung gate, nakita daw niya malaking paniki na hindi itim, grayish color na lumipad.  Sabay sabit niya agad nung basura sa poste at sinarado ko na agad yung gate.  Hindi niya agad sinabi sa akin yung nakita niya.  Pero sinabihan niya lang ako na huwag na akong lalabas pag gabi.  Nung napagdugtong namin yung nangyari, may nagmamanman na pala.

Hindi na kami makatulog after non.  Kung makatulog man, sobrang babaw.  Kaya maaga din kami bumangon, saktong dumating yung magbubunot ng damo sa bakuran.  Nung nag-lunch kami sabay-sabay, kinuwento namin ni AM ulit kay Kuya G yung nangyari.  Matagal na niya kaming sinabihan about doon nung nalaman niyang buntis ako.  Pati yung may-ari ng tindahan sa tapat namin sinabihan kami noon na magsaboy ng asin na may labuyo sa bubong.  Ayun, ganoon ulit yung payo sa amin ni Kuya G kaya saboy galore si AM kanina.

---

Sobrang nakakakaba na ewan kasi siyempre pinangangalagaan namin anak namin na nasa tiyan ko pa.  Gustuhin ko man makita talaga mga iyon, hindi ko i-ri-risk lalo na't buntis ako.  Baka makita ko nga siya/sila ng harapan matisod pa ako na ewan at ikapapahamak ko pa at ng anak ko.  Kung totoo man siya o hindi, mabuti nang maging alerto at handa.  Kaso sobrang nakakapuyat talaga sila ha.  :p

Pinagdadasal na lang talaga namin na sana wala nang susunod na mangyayari. At sana hindi sila totoo.




Comments

Popular Posts