Depression During Pregnancy: Symptoms, Reasons, Coping

Isa sa mga kalaban nating mga preggy ang depression.  Hindi ko naman nilalahat, pero mangilan-ngilan sa atin ang nakaka-experience nito.  Karugtong siya ng anxiety din kasi.  Siyempre, marami tayong worries lalo na't first-time mom.
Pero paano mo nga ba masasabi na ikaw ay depressed?  Magkaiba kasi siya sa emotera lang.  May mga kakilala kasi ako na sasabihan ka pang, "ang arte mo" o kaya, "okay lang iyan."  Hindi kasi nila sineseryoso ang ganitong condition.  Hindi siya choice.
depression

Symptoms:
  • walang interes sa pang-araw-araw na gawain
  • feeling mo malungkot ka lang parati o kaya parang wala kang silbi
  • madalas na pag-iyak
  • mabilis pumitik
  • inaatake ng anxiety
  • hirap magconcentrate
  • laging pagod pero miski ipahinga mo, hindi ka ma-energize
  • paiba-ibang oras ng tulog, at oras ng kain, o kaya hirap makatulog o makakain
  • yung may sense of guilt, walang pakinabang o kaya walang pag-asa
  • feeling na hindi worthy ang mabuhay



Reasons:
Iba-iba ang dahilan kung bakit tayo na-de-depress.  Sobrang subjective siya.  Iba-iba naman kasi takbo ng utak ng mga tao, diba?

Kaya't gusto kong i-share yung mga bagay o dahilan ng kinaka-depress ko paminsan-minsan.
Trabaho.
Iyan ang major issue ko.  Dahil sobrang maselan ako magbuntis lalo na nung 1st trimester ko, hirap ako bumiyahe.  Lagi akong hilo sa byahe.  Gusto ko laging masuka, tapos nasusuya ako sa mga sari-saring pabango ng mga pasahero na kasabay ko na dati naman hindi ko naamoy.  Tapos yung balakang ko, juskupo, ang sakit sakit.  Mapaupo lang ako ng 15 minutes na hindi nag-ca-cradle o yung ginagalaw ko ng side to side yung upper body ko, hirap na hirap na ako tumayo non.  Paano pa kaya kung tinuloy-tuloy ko pagbyahe mula Cavite hanggang Makati ng rush hour.  Inaabot ako ng 2.5 hours max sa byahe makapasok lang sa opisina.  Bwisit.  Pinayuhan din ako ng doktor ko na mag-bed rest muna ako.
Saya pa naman nung trabaho ko dun sa Makati.  Online Fashion Assistant ang peg.  Toka ko puro e-mails.  Wala akong ka-team.  Yung 'manager' ko e work-from-home ang peg kasi naka-Mac siya.  Ako wala kaya dehins pwede.  Haha.  Tapos yung mga boss ko nasa iba't ibang bansa.  Dalawa lang naman sila pero never ending travel ang mga bebot.  Sarap pa sana magstay kaso nakapag-resign na ako at hindi ko talaga kaya yung byahe.  Hindi rin ako makaipon kasi magastos sa pamasahe! Tapos sobrang pagod pa.  Tipong robot ang peg kasi aalis ka ng 5:30am, makakarating ka ng bahay 7pm, tulog ka na ng 9pm dapat.  Sagad na iyon.  E pwede naman work from home yung trabaho ko kaso di ako pinayagan.
Nag-file din ako ng resignation bago namin malaman na buntis ako.  Mag-aapply sana kasi ako sa mga agencies para makapagtrabaho abroad nang makatulong kami sa finances sa health ng mama ng asawa ko.  Kaso, ayun nga, buntis ako.  Kaya scratch iyong plano na iyon sa ngayon.
So ngayon, nganga ako.  Sinarado ko na nga yung home-based cafe ko kasi di ko kaya ng mabilisang kilos.  Ayoko na kasi dumepende sa kusinera ko at hindi ko siya kayang bayaran na at iba talaga yung lasa nung mga pagkain pag ako na nagluluto.  Tapos yung stress e kailangan kong bawasan kasi nga para kumapit si baby ng husto.  Hindi rin sapat yung kinikita.  Abunado na kami.  Mahina talaga pasok nitong mga nakaraang buwan.
Ngayong 21 weeks na ako (5 months ++), jobless pa rin.  Ang hirap naman na umasa lang sa asawa ko.  Nakakapagbenta naman ako minsan ng baked goods ko online, pero hindi siya sapat sa gastusin ngayon.  Gusto kasi ng mga tao sobrang mura, e ang mamahal ng mga ingredients at packaging pa lang!  Buti ba kung nandaraya ako sa ingredients e, kaso hindi.  Kasi ayoko isacrifice yung quality over sales.  Hindi ako kapitalista.
Sobrang hirap din makahanap ng online work.  Siyempre pipili pa rin ako ng trabaho na interesado ako at nagbabayad ng sapat.  Ang dami kasing muntik ko nang tanggapin kaso hindi ko talaga ma-digest yung kurampot na barya na offer nila.  Pucha, parang libre pa nga yung services ko kung tutuusin kasi pambayad lang sa kuryente at internet consumption ko yung ipapasahod ng mga barat na iyon.

Pera.
Syempre, hindi sapat ang pera sa panggastos.  Bills pa lang, tapos check-up namin ni baby at mga supplements, vaccines, etc. grabe na sa gastos.  Although mura siya compared sa mga rates sa Manila.  Pero dahil si AM lang yung nagtatrabaho sa amin, kinakapos pa rin kami minsan.  Hindi naman kasi kalakihan din kinikita niya ngayon kasi matumal gigs nung bandang pinagtatrabauhan niya.
Tapos may loan pa ako na hindi nababayaran kasi nga hindi kumita ang cafe.  Although 4 years bago makabawi, pero nasimot na talaga kami at hindi ko kayang ihandle yung business dahil sa kalagayan ko sa pagbubuntis.  Ang complicated!

Issue ko sa BIR.
Kakambal ko ata kamalasan e.  Mula noong nanakawan ako ng identity sa dati kong pinagtrabauhan, ayan, chain reaction siya hanggang ngayon.  BIR naman kalaban ko.  Buong kwento ko e nasa link na ito.

Insecurities.
At siyempre, hindi mawawala yung insecurities.  Maliban sa mga araw na sobrang panget na panget ako sa sarili ko, o kung ano mang pisikal na aspeto, e yung walang kinikita.  Hindi ako sanay ng ganito.  Lagi akong may kinikita.
Karamihan sa mga humuhusga sa akin (oo, nakakarating sa akin mga pinagsasabi niyo) e nagtatanong paano ako kumikita sa mga pinaggagawa ko noon.  Simple lang iyan, hindi ako lumalifestyle.  Lahat ng kinikita ko noon, iniipon ko.  May times na sobrang wala talaga ako, nanghihiram ako pero binabalik ko din.  Pero siyempre hindi ako makapagcommit lalo na ngayon sa pagbayad dahil nga sa sitwasyon ko.
Alam mo iyon, ang dami kong pwedeng pasukan talaga kaso buntis nga ako.  Gusto ko talaga mamasukan na lang sa restaurant o hotel.  Pero kadalasan pag nagapply ako, laging inooffer sa akin cafe/restaurant manager.  Ayaw ko nung una kasi nga mas masaya ako sa pagluluto.  Pero kakagatin ko naman na yung mga ganoong offer pero ito nga't buntis naman ako ngayon.  Hindi pwede sa akin physical activities pa.  HIndi ako sanay.  Mahilig pa man din ako maglalalakad o mabilisang kilos.

Household maintenance.
Ang walang katapusang pag-aayos ng bahay.  Matapos mapagawa ang isang parte ng bahay, masisira naman itong isa.  So isa iyon sa mga dumadagdag sa gastos namin.  Labor pa at materyales.  Ngayon nga yung kotse naman nagka-problema.  Grabe no?



coping-wm

Coping with depression:
Pero hindi dahil na-de-depress ako e hindi ako marunong umahon.  Doon naman ako proud sa sarili ko.  May self-control ako.  I always make it to a point to look at the bright side of things.  Kumikilos ako at hindi ko hinahayaan sarili kong magmukmok lang.  I sulk it in at first, tapos saka ko iisipan ng paraan.
Sa isyu ko sa trabaho, ginagawa ko e patuloy pa rin ako sa paghahanap ng online work.  May times na nakakawalang gana na o pag-asa pero lagi kong iniisip kami ng pamilya ko, lalo na si baby.  Gusto ko na lang mag-focus sa online work mula ngayon para maalagaan ko anak ko lalo na't paglabas niya.  Hindi ko iaasa ang pag-paalaga sa iba.  Choice ko iyon.  Hindi naman masama yung may yaya o kaya sa mga kamag-anak ipaalaga yung bata.  May kaniya-kaniya tayong rason.  At ang kagustuhan ko e ako mismo mag-aalaga sa bata since pwede naman ako magtrabaho sa bahay.  Iyon talaga pangarap ko noon pa, may business o trabaho sa bahay tapos may mga anak at asawang inaalagaan.
Sa pera naman, gumagawa naman ako ng paraan.  Tulad ng pag-ba-blog at vlog at pagbenta ng mga baked goods at cater trays online.  Inaaral ko yung mga paraan na pwede akong kumita.  Kaya salamat sa pagbabasa ng blogs ko ha.  Malaking tulong iyan sa akin lalo na kapag isha-share mo yung blog posts ko o mga tinitinda ko sa mga kakilala mo.  Kasi once na lumaki na yung audience ko, saka magsisipagdatingan ang opportunities.  Hindi ko na kayang mag SEO etc na iyan.  Sobrang info overload na siya at marami pa akong kailangang pagtuunan ng pansin ngayon.
Doon naman sa BIR, may mga updates naman na yung mga nakausap ko sa head office.  Pero sana aksyunan na ng RDO dito sa amin.  Kaya yung progress e nagbibigay liwanag naman kahit papaano.  Hinding-hindi ko sila tatantanan.
Pagdating naman sa insecurities, nag-ma-makeup ako tuwing feeling ko muka na akong ewan.  Laki ng difference after ko mag-makeup.  Nakaka-boost ng confidence.  Tapos nagdadamit ako ng ayon sa gusto ko na pwede rin sa buntis.  Tapos nag-re-review ako ng mga gamit na mura ko lang nabili, lalo na sa makeup since nauubusan na ako ngayon.  So, nakakatulong pa ako sa iba sa mga reviews ko.  Tapos iniisip ko na kapag nagtrabaho naman ako sa mga resto na iyan, 6 days a week, broken time ang peg.  Kaya mas pagiigihan ko paghanap ng online work.  Flexi time na, kasama ko pa mag-ama ko at mga alaga kong pusa't aso.
Yung sa maintenance naman ng bahay, unti-unti naman namin nireresolbahan.  May nilalaan kaming budget sa mga iyon.  Pero itong sa kotse, hindi pa namin ma-prioritize kasi yung budget na mayroon kami e para sa check-up ko next week.  So, tignan natin kung may pumasok na orders dun sa baked goods ko at doon ko kukunin yung pang-paayos sa sasakyan.

And this what keeps me sane -- a very good reminder to all.
image
Meme grabbed from Exploretalent.com



Hindi madali ang pagpapamilya, alam ko iyan miski noong single pa ako.  Pero dahil ginusto namin ito, alam namin na isa ito sa mga struggles sa umpisa na siya naming pagtatawanan in the future.  Humbling experience ito.
Buti na lang supportive asawa ko.  Kaso hindi ko na lang shineshare sa kaniya na nade-depress ako.  Dinadaan ko sa "bored" ako.  Ayoko pa maging pabigat.
Salamat sa blog, nailalabas ko yung mga thoughts ko without judgment, at the same time nakakapagreflect din.
Worried nga lang ako at baka malaki ang possibility ko magkaroon ng post-partum depression.  Huwag naman sana.
Ikaw ba, nakakaranas ka rin ng depression?  We could talk.  Iyon lang naman kailangan natin sa totoo lang, ang may makausap.

Comments

Popular Posts