When I Found Out that I'm Pregnant

Warning: Detailed kwento ito ng paano ko nalaman na buntis ako.
Nag-file na ako ng resignation sa day job ko sa Makati miski kakaumpisa ko pa lang nung July.  Bakit?  Kasi nagkaroon ng bad news sa family side ni AM (asawa ko), at kailangan naming maghanap ng trabaho abroad para makatulong.  Nahihirapan na rin ako sa pagbyahe byahe sa totoo lang.  Na-feel ko talaga na tumanda ako.  Kasi dati, kahit gaanong kalayo o katrapik yung pupuntahan ko sa Maynila, wala akong pake.  Ngayon, iba yung pagod ko.  Hindi ko na nga matulungan yung staff ko sa cafe tuwing uuwi ako, kasi madalas sobrang pagod ako.  Maghapon ba naman ako nakatutok sa computer kakasagot ng mga e-mails ng mga "blonde" moments ng mga customers namin.  Tapos sobrang aga ko pa umaalis ng bahay, minsan nga nalalate na ako kasi di ako makabawi ng tulog.  Pero masaya pa rin naman kasi may mga naging kaibigan naman ako doon na sobrang kwela at down-to-earth na totoo at walang keme.  :)
Tapos, isang weekend na dumalaw kapatid ni AM, hinatid namin siya sa MOA.  Sobrang hilo ko talaga nun.  Nung pabalik na kami, pina-pull-over ko siya somewhere sa Macapagal kasi sukang-suka na ako.  Ayun, nagsuka nga ako ng bongga.  Nahimasmasan na ako.  Pero may suspetsa na ako na baka buntis ako.  Kaso sabi ko baka sobrang pagod lang talaga.
Kinabukasan, papasok pa lang ako at nasa loob ng van, aysus!  Gusto kong sukahan na yung loob ng bag ko sa sobrang hilo!  Butil-butil na malalamig na pawis nagsisilabasan sa akin, tapos suyang-suya ako sa mga pabango ng mga pasahero dun.  Jusko!  Pagbabang-pagbaba ko, para akong lumulutang.  Ikot ng ikot yung paningin ko pero talagang pinilit kong makarating sa opisina.  E mga 15-minute walk pa yun mula sa babaan.  Imagine the agony!
Nung nakarating na ako sa opisina, nag-time-in ako, kinuha ko mug ko at diretso sa pantry para linisin yon.  Every day routine ko.  Aba naman, bigla ko na lang na-feel na masusuka ako, kaya dali-dali akong pumunta sa restroom e sobrang layo pa non!  Lalabas ka pa ng office space niyo, lalagpasan mo pa yung elevator, bago ka makaliko sa restroom ng floor!  Jusmiyo!  Haha!! Diretso ako sa toilet at talagang suka galore miski wala na akong maisuka kungdi tubig.  Hindi ko na nga naisarado yung pinto.  Talagang namimilipit yung sikmura ko at kulang na lang pati bituka ko e iluwa ko e.  Ang hiraaaaaaaap!  Hindi tuloy ako makafocus sa work non.  Buti na lang yung manager ko mabait at maintindihin, gusto na nga niya akong pauwiin, sabi ko try ko pang magstay at baka sakaling hilo lang sa byahe iyon.  Di ko na nga matandaan kung nagtagal pa ako sa office non e.
Anyway, doon pa lang, sinabihan ako ng close friends ko dun sa opisina na baka buntis ako.  Posible naman talaga.  Kaya pag-uwi ko, binanggit ko kay AM na mag-PT (pregnancy test) ako.  Sabi niya huwag muna baka negative ulit.  Sabi ko nagsusuka na ako e.  Tapos nag-iba na lang bigla yung conversation namin.  Then nung madaling araw ng Tuesday, tumayo ako kasi nawiwiwi ako.  Sabay naisipan kong mag-PT na kasi first wiwi ko sa umaga na rin yon.  Nagkamali pa nga ako kasi di ko magawang makakuha ng wiwi ko para sa dropper kasi di ko naisip kumuha ng plastic cup.  Haha!  So, ginawa ko, yung edge nung PT, medyo pinatama ko sa mid-wiwi ko saka ko parang iniscoop yung droplets ng pee gamit yung dropper papunta dun sa part na dapat lagyan ng wiwi.  Aba, wala pang isang minuto, galit na galit na double lines ang gumising sa akin.  I remember saying, "Hala... (mahina) hala... (patanong) HALA! (pasigaw)"  Hahaha!  Tapos umiyak na ako kasi natakot ako sa totoo lang.  Kasi nga may problema pa kami na hindi nasosolusyunan tapos nabiyayaan kami ng anak.  Daming takot ko naisip non: kung kaya ba namin buhayin yung bata, kung ano magiging future namin as family, the likes!  Sobrang nakakatakot kasi mag-iiba yung buhay mo talaga kapag may anak ka na.  Then nagpasalamat na lang din ako sa gift na ito kasi miski hindi kami mayaman sa pera, nabiyayaan naman kami ng isang anghel.
Paglabas ko ng bathroom, hindi ko alam kung gigisingin ko ba si AM o hindi.  E pagod siya at kakatulog lang non, kaya hindi ko na inabala.  Kaso sobrang gutom ko, gusto kong kumain ng kanin.  Kaya ininit ko yung natirang kanin at nag century tuna na lang ako.  Sarap lang ng kain ko nun habang nasa kama, katabi si AM.  Oo, kumakain ako sa kama namin hahaha, para may kasabay ako miski tulog. :p  Tapos tinext ko manager ko na hindi ako makakapasok at kailangan kong pumunta ng doktor sa araw na iyon.  Siyempre hindi ko muna sinabi na buntis ako.
Tapos kinaumagahan, nagising ako bigla.  Babaw ng tulog ko.  Nagising din bigla si AM kasi lumikot ako e nakayakap siya sa akin.  Nung naalimpungatan siya, kinalabit ko pa ng matindi, sabay kinuha ko yung PT sa tokador ko (right side ko lang, as in aabutin ko lang without effort) tapos tinapat ko sa may mata niya.  Pupungas-pungas pa siya.  Mga 20-30 seconds din bago niya marealize na PT yung nakikita niya, bigla siyang tumalon sa kama na paluhod at ang laki-laki ng mata sa sobrang saya!  Hahahaha!  Sayang, hindi ko nakuhanan ng video. :(  Sobrang sarap pala ng ganoong feeling na sobrang saya ng reaksyon ng kabiyak mo. :) <3
Kaya ayun, sinabi ko sa kaniya yung kwento kung paano nangyari, sabay set kami ng schedule at kung saang OB-GYNE kami pupunta sa araw na iyon.
Sa susunod na post ko naman e tungkol sa first check-up namin :)

Comments

Popular Posts